Sabado, Oktubre 15, 2011
Trending news#: 10 Pumatay kay given Given Grace nasa kamay na ng Pulisya.
Pagkakita pa lang sa itinuturong gumahasa at pumatay sa estudyanteng si Given Grace Cebanico, umapaw agad ang galit ng kanyang mga mahal sa buhay.
Pilit ipinasok ng mga pulis sa selda ang suspek.
Sa bigat ng damdamin, halos wala na sa sarili ang mga kamag-anak ng dalaga.
Martes nang matagpuan ang bangkay ni Given sa madamong lote sa loob ng UP Los Baños (UPLB).
Pinagnakawan, at saka pinatay ang 19 anyos na dalaga.
Base sa resulta ng crime lab, kumpirmado na ring siya ay ginahasa.
Naaresto kagabi ang isa sa mga suspek na kinilalang si Percival de Guzman, isang tricycle driver.
Positibong kinilala si de Guzman ng isang testigo.
Umamin siya sa krimen matapos ma-recover ang telepono ni Given sa kanya.
Itinuro naman ni de Guzman ang umano'y kasabwat na si Lester Ivan Rivera, isang security guard na tumakbo sa Floridablanca, Pampanga.
Kaninang umaga, isinuko si Rivera ng kanyang lolo sa mga pulis.
Sa loob ng selda, nagturuan pa ang dalawang suspek kung sino ang pasimuno sa krimen.
Sa isinagawang press conference ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) CALABARZON, halos hindi nakayanan ng tatay ni Given na marinig ang nangyari sa panganay na anak.
“With respect to the father, sinuntok nila [ang biktima] hanggang sa mawalan ng malay, bago ni-rape,” sabi ni Senior Superintendent Edwin Jose Nemenzo, regional director ng PNP-CIDG CALABARZON.
Malaking bagay naman sa pamilya Cebanico ang mabilis na pagkaaresto ng mga suspek sa krimen.
“At least, madadala namin ang aming anak sa huling hantungan na nakamit ang justice,” sabi ng ama ni Given na si Daniel.
Kaninang tanghali, nagsagawa ng indignation rally ang UP Los Baños community.
Sigaw nila ay hustisya kay Given.
Puno ng emosyon ang pagbabalik-tanaw ng kanyang mga kaibigan, kaklase, at guro sa naging buhay ng dalaga.
Ayon sa kanila, masipag, matalino, malambing, masayahin at may natatanging hilig sa pagkanta si Given.
“Ang sakit-sakit po, hanggang ngayon hindi pa rin namin matanggap na wala na siya sa amin. Ang hirap gumising sa umaga na wala na siya,” sabi ng roommate ng biktima na si Naryne Amansec.
“Inaalagaan namin sila hanggang sila ay maka-graduate, para kaming binawian ng anak, bilang mga teachers,” sabi naman ni Vladimir Mariano, direktor ng Institute of Computer Science ng UPLB.
Bukod sa paghingi ng hustisya, hinimok din nila ang kinauukulan na higpitan ang seguridad sa loob at labas ng UP Los Baños nang hindi na maulit ang karumaldumal na krimen.
Ngayong gabi na nakatakda ang inquest proceedings sa 2 suspek.
Pero kanina, muntik pa umanong tumakas ang isa sa mga suspek na si Lester Rivera, pero napigilan naman siya ng mga pulis.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento